MANILA, Philippines – Mas handa ang Pilipinas sa oras na tumama ang malakas na lindol katulad ng magnitude 7.7 na lindol na tumama sa Myanmar, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Sinabi ni PHIVOLCS director Teresito Bacolcol na mayroon pa ring tsansa na mangyari ang isang malakas na lindol na katulad ng tumama sa Luzon noong 1990 at magnitude 8.1 na lindol sa Mindanao noong 1976.
“Yes, mas mataas pa sa magnitude 7.7 ang pwede natin na maranasan. In fact, naranasan na natin ito dati pa, nung July 16, 1990 earthquake, umabot ang lindol ng magnitude 7.8 at noong August 17, 1976, nagkaroon ng magnitude 8.1 sa may Mindanao, sa Moro Gulf, at kumitil ito ng higit kumulang 8,000 people,” ani Bacolcol.
“So the possibility that we will experience a magnitude 7.7 earthquake and above is always there.”
Mas handa na ang mga Filipino sa epekto ng lindol, kumpara noong mga nakaraang dekada.
“We cannot be a hundred percent prepared, that’s quite impossible. But I would say that we are more prepared now than before. Malaki ang naitulong ng NDRRMC sa ating awareness dahil sa ginagawa nating quarterly earthquake drills. People are now more aware than 20 or 30 years ago about earthquakes and impacts of earthquakes,” ani Bacolcol.
Matagal nang nagbababala ang mga eksperto sa tinatawag na “Big One” o magnitude 7.2 na lindol na maaaring tumama sa Metro Manila at mga kalapit na lugar na maaaring magdulot ng 50,000 inidbidwal na masasawi.
“Kung saan sa Pilipinas, except sa Palawan, halos lahat ng parte ng Pilipinas ay may mga active faults. We have more than 180 active fault segments and six trenches, and these are all capable of generating light to major and even great earthquakes. So kailangan talaga nating paghandaan,” anang opisyal.
“There are still challenges that we need to hurdle and we’re on our way. Isa na dito, for example, yung infrastructure vulnerability. So some older buildings, roads, bridges, and critical infrastructures in Metro Manila may not be earthquake resistant. Retrofitting and reinforcing buildings are important, at ginagawa naman ito ng ating gobyerno,” sinabi pa niya. RNT/JGC