Home HOME BANNER STORY Pilipinas, may pinakamataas na debt risk sa Asia

Pilipinas, may pinakamataas na debt risk sa Asia

277
0

MANILA, Philippines – Itinuturing ng Oxford Economics na may pinakamataas na panganib ang Pilipinas sa kabiguang makabayad ng utang kumpara sa ibang ekonomiya sa Asya, bunsod ng makitid na fiscal at monetary space at lumalaking pag-asa sa dayuhang pautang.

Batay sa ulat noong Setyembre 10, nagtala ang bansa ng sovereign risk score na 4.5 sa 10—pinakamataas sa 12 ekonomiya sa rehiyon. Pumangalawa ang India, sinundan ng China, Vietnam, Malaysia, Thailand, at Indonesia. Pinakamababa ang panganib sa Japan, Singapore, South Korea, Hong Kong, at Taiwan.

Ayon sa think tank, pangunahing salik ang limitadong polisiya ng gobyerno, dagdag pa ang trade deficit, institutional weaknesses, political risks, at kahinaan sa sektor ng pagbabangko at corporate debt. Ang sovereign risk ay tumutukoy sa posibilidad na hindi mabayaran ng gobyerno ang interes o prinsipal ng utang.

Sinabi ni lead economist Alexandra Hermann na mananatili ang fiscal conservatism, ngunit ang mahinang paglago ay maaaring mag-udyok sa karagdagang pagluwag hanggang 2026. Target ng gobyerno ang 5.5–6.5% na paglago ngayong taon, mas mababa kaysa dating layunin. Tumaas ng 5.4% ang GDP sa unang kalahati ng 2025.

Sa monetary policy, itinaas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang rates sa 6.5% noong 2024, ngunit nakapagtapyas na ng 75 basis points ngayong taon. Inaasahan ng Oxford Economics ang karagdagang 25–75 bps na bawas hanggang unang bahagi ng 2026, na maaaring magpababa sa rates hanggang 4.25%.

Nanatili sa target ang inflation matapos bumagal sa 0.9% noong Hulyo bago muling bumilis sa 1.5% nitong Agosto, ngunit maaaring tumaas dahil sa mga problema sa suplay. Dagdag pa rito, binigyang-diin ng Oxford Economics na mababa ang trade exposure ng Pilipinas sa US at China (9%), habang patuloy na nagbibigay ng suporta ang BPO industry sa foreign exchange inflows at household spending. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here