
MANILA, Philippines – Inaasahang aarangkada ang pilot testing ng mga electric jeepney ng transport group sa Lunes Abril 13, 2026 bilang tugon sa malaking kinakaharap na suliranin ngayon sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa gitna ng krisis sa Gitnang Silangan.

Sa Meet the Press Weekly Forum ng National Press Club (NPC), sinabi ni Orlando Marquez, presidente ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas na masisilayan na sa pilot testing ang jumbo electric jeepney kung saan magkakaroon ng “Libreng Sakay” dito.
Ito ay may 17 ruta na iikot o babiyahe sa ilang bahagi ng Metro Manila kabilang ang Makati City hanggang Pasay City at pabalik; Mandaluyong City, Quezon City, Caloocan City, Malibay, Pasay, Mail of Asia hanggang Dasmariñas, Cavite; BGC Alabang patungong Muntinlupa City; Alabang Muntinlupa-Mall of Asia Pasay; Cubao-Marcos Highway; Baclaran-Divisoria; Mall of Asia -Manila City Hall-Espanya-Quezon Avenue-QC City Hall Circle; at Taguig City mula Boni hanggang Divisoria.
Ayon kay Marquez, ito ang ipinangako ni dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson na tutulungan ang hanay ng jeepney transport sector sa buong Pilipinas.
Pasado na aniya ang e-jeepney na idinisenyo at pinondohan ni Singson sa ‘international engineering safety standard’ at nais aniya sana ni Manong Chavit na manatili na pumapayagpag na tatakbo ito sa ating kalsadahan.
Ayon kay Marquez patay na o mahina na ang manufacturer sa industriya ng jeepney sa bansa kaya naman umaasa sila na ang tinaguriang pambansang sasakyan ng Pilipinas na 100% pure electric vehicle ay magagamit na ng mga komyuters.
Dahil posibleng hindi na maibabalik ang dating presyo ng petrolyo, sinabi ni Marquez na ito na ang maituturing na survival na sasagot sa industriya.






