INDONESIA – Iimbestigahan ng transport ministry ng Indonesia ang insidente sa local airline na Batik Air matapos na makatulog ang dalawa sa mga piloto nito sa pinakahuling biyahe.
Ang piloto at co-pilot nito ay nakatulog sa loob ng 28 minuto sa flight nito mula South East Sulawesi patingo sa Jakarta noong Enero 25, ayon sa preliminary report ng National Transportation Safety Committee (KNKT).
Nagresulta ito sa serye ng navigation errors, bagama’t ligtas naman ang 153 pasahero at apat na flight attendants sa dalawang oras at 35 minutong flight.
Mahigpit na kinastigo ng transport ministry ang Batik Air sa nangyaring insidente, kasabay ng panawagan ni air transport director-general M. Kristi Endah Murni sa mga airline na bantayan ang oras ng pahinga ng kanilang mga crew.
“We will carry out an investigation and review of the night flight operation in Indonesia related with Fatigue Risk Management for Batik Air and all flight operators,” saad sa pahayag ni Kristi.
Sa pahayag naman ng Batik Air nitong Sabado, Marso 9, sinabi nito na “it operates with adequate rest policy” at handang ipatupad ang lahat ng safety recommendations.
Pansamantalang sinuspinde ang mga sangkot na piloto.
Sa ulat ng KNKT, isa sa mga piloto ay walang sapat na pahinga gabi bago ang flight nito.
Halos kalahating oras matapos na mag-take off ang eroplano, humingi ng permiso ang kapitan sa second-in-command nito na magpapahinga muna siya saglit, na pinayagan naman.
Ang co-pilot muna ang nagpalipad ng eroplano, ngunit kalaunan ay nakatulog din.
“The second-in-command had one-month twin babies. His wife took care of the babies and he assisted while at home,” saad sa report.
Ilang minuto matapos ang huling recorded transmission sa co-pilot, sinubukang kontakin ng area control centre ng Jakarta ang eroplano ngunit wala itong natanggap na sagot.
Dalawampung walong minuto matapos ang huling recorded transmission, nagising ang piloto at nakita na nakatulog din pala ang co-pilot nito at wala sa tamang flight path.
Agad nitong ginising ang kasamahan at agad na tumugon sa mga tawag mula sa Jakarta, saka itinama ang flight path nito.
Ligtas na nakalapag ang eroplano matapos ang insidente. RNT/JGC