Home NATIONWIDE ‘Pinagkakakitaan’: DPWH sinuspinde lahat ng road reblocking sa bansa

‘Pinagkakakitaan’: DPWH sinuspinde lahat ng road reblocking sa bansa

271
0

MANILA, Philippines – Sinuspinde ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang lahat ng proyekto ng road reblocking sa buong bansa dahil sa mga alegasyon ng anomalya.

Aminado si DPWH Secretary Vince Dizon na matagal nang inirereklamo ng publiko ang paulit-ulit na pagkukumpuni ng mga kalsada kahit maayos pa ang mga ito.

“Ito talaga kinakagalit ito ng mga kababayan natin at naririnig ko na ito elementary pa lang ako,” aniya, sabay banggit na posibleng may katiwalian sa likod ng ganitong mga proyekto.

“Bakit may mga kalye na maayos naman na tinitibag, sinisira, tapos gagawin ulit?… Pinagkakakitaan yung pagsira at paggawa ulit,” dagdag pa ni Dizon.

Bagaman may exemption para sa mga kalsadang kailangang ayusin dahil sa linya ng tubig o imburnal, sinabi ni Dizon na maglalabas siya ng bagong department order upang obligahin ang mga tanggapan ng DPWH na magpaliwanag bago payagan ang anumang reblocking.

Kabilang din sa mga repormang ilulunsad ng DPWH ang pagpapababa ng threshold sa pondo ng mga proyekto upang maiwasan ang katiwalian, alinsunod sa rekomendasyon ng Independent Commission for Infrastructure.

Itinalaga rin ni Dizon si Nick Conti bilang bagong undersecretary for planning kapalit ni Cathy Cabral na nasangkot sa isyu ng korapsyon. Nakipagpulong rin siya kina Ombudsman Boying Remulla at Solicitor General Darlene Berberabe upang mapabilis ang imbestigasyon sa flood control scandal. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here