Home NATIONWIDE Pinagmulan ng underwater drone na natuklasan sa Masbate inaalam ng NSC

Pinagmulan ng underwater drone na natuklasan sa Masbate inaalam ng NSC

MANILA, Philippines- Patuloy na dinedetermina ng National Security Council (NSC) ang ‘origin’ o pinagmulan ng underwater drone na nadiskubre sa katubigan ng Masbate.

“It could have come from anywhere. Kaya ang ginagawa natin ngayon ay dine-determine natin yung drone na ito. Saan ba ito nanggaling? Ano yung mga specifics nito? Ano yung mga na-monitor nating mga vessels na dumaan diyan sa lugar na ‘yan? Para ma-determine natin kung saan talaga nanggaling,” ang sinabi ni NSC spokesperson Jonathan Malaya sa Bagong Pilipinas Ngayon.

“As of now, ang imbestigasyon ng Armed Forces of the Philippines ay ongoing pa at hindi pa natin masasabi kung ang drone na ito ay nanggaling sa isang partikular na bansa,” aniya pa rin.

Sa ulat, natuklasan ng mga mangingisda sa San Pascual ang 2.72-meter-long drone na lumulutang sa nasabing katubigan noong Disyembre 30.

Kaagad namang tiningnan ng explosive ordinance disposal team ng Bicol Region Police ang naturang device.

Bagama’t hindi naman ito isang explosive device, sinabi naman ng lokal na pulis na ang marka ay nagpapahiwatig na ito’y isang “underwater navigation at communication system.”

Sa kabila nito, hindi naman nababahala ang Philippine Navy sa nadiskubreng underwater drone sa katubigan ng San Pascual, Masbate.

“Itong drone na ito is used for reconnaissance and surveillance, so it’s imperative for the Philippines to determine kung saan ito nanggaling at kung ano ang ginagawa nito sa ating archipelagic waters,” ayon sa NSC.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang NSC sa international counterparts para mangalap ng mas marami pang impormasyon.

“Kasi kung lalabas dito na it comes from a certain country at ang ginagawa niya ay ilegal, we can say and make a conclusion,” ang sinabi ni Malaya nang tanungin kung ang drone ay maaaring lumabag sa Philippine territorial laws.

Binigyang-diin din nito ang alalahanin hinggil sa lokasyon ng drone.

“Kasi ang nakakabahala nito ay more or less nasa archipelagic waters ng ating bansa, kasi nasa loob siya, nasa Masbate area siya,” ang winika pa rin ni Malaya. Kris Jose