Home NATIONWIDE PINAGSAMANG SUPORTA NINA LACUNA AT VERSOZA, WALA PA SA KALAHATI NI YORME...

PINAGSAMANG SUPORTA NINA LACUNA AT VERSOZA, WALA PA SA KALAHATI NI YORME ISKO – OCTA

MANILA, Philippines – “KAILANGAN ng todo-sipag pa, may 45 days pa.”

Ito ang ipinayo ni Prof. Ranjit Rye ng OCTA Research kina Manila Mayor Honey Lacuna at mayoral candidate Sam Versoza dahil sa malayong agwat sa survey ni dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.

Ayon kay Prof. Rye, inaasahan ng marami na mangunguna sa survey si Mayor Lacuna bunga ng pagiging incumbent, bukod pa sa nasa kanya ang lahat ng resources ng City Hall, kaya maging sila ay umaasa na mataas ang magiging porsiyento niya sa survey.

“Siya ‘yung incumbent. Ang inaasahan ng lahat ay siya ang mangunguna. Alam naman natin na naglabasan ang maraming resources ng City Hall, pati na rin ‘yung access sa AICS, TUPAD at iba pa. Na-distribute na rin, so we were expecting na she would be in a much higher percentage sa nakikita natin ngayon,” paliwanag ni Prof. Rye.

Gayunman, sa pinakahuling survey na kanilang ginawa, sinabi ni Prof. Rye na kahit pagsamahin pa ang kabuuang porsiyento sa survey nina Lacuna, na nakakuha ng 15%, at Versoza na 16%, hindi pa rin aabot kahit sa kalahati man lang ng malaking lamang ni Domagoso na 67%.

“Uphill talaga, kailangan magsipag pa ‘yung dalawang kasama niya sa survey para makahabol, lalo na ang ating incumbent Mayor,” payo ni Prof. Rye.

Ang dating alkalde ng Maynila na si Yorme Isko ay kilala sa kanyang direkta at aktibong partisipasyon na estilo ng pamumuno, mabilis na pagtatayo ng mga proyektong pang-imprastraktura, at programa sa kapakanan ng lipunan sa panahon ng kanyang pamumuno, tumatakbo ngayon sa pagka-alkalde ng kapitolyo ng bansa si Domagoso, dala ang platapormang panunumbalik ng kalinisan, disiplina, at kaayusan.

Sa kanyang proclamation rally noong Biyernes ng gabi, ipinagkibit-balikat lamang ni Domagoso ang mga batikos at pag-atake ng katunggali sa kanya at sinabing kumpiyansa siya na patas na huhusgahan ng mga botante ang kanyang legasiya, lalu na ang mga nakasaksi at nakaramdam sa ginawa niyang hakbang sa panahon ng pandemya. JR Reyes