Home NATIONWIDE Pinakamataas na alerto ipinatupad sa mga paliparan sa election exodus

Pinakamataas na alerto ipinatupad sa mga paliparan sa election exodus

MANILA, Philippines – Bunsod ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa mga paliparan kaugnay ng nalalapit na pambansa at lokal na halalan sa Mayo 12, isinailalim sa heightened alert status ang lahat ng 44 na paliparan na pinamamahalaan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Ayon sa CAAP, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mas pinaigting ang operasyon sa mga paliparan mula Mayo 9 hanggang Mayo 13 upang matiyak ang kaligtasan, seguridad, at kaginhawaan ng mga biyahero.

Bilang bahagi ng paghahanda, nagtalaga rin ang CAAP ng mga help desk sa bawat paliparan upang tumulong sa mga pasahero at agarang tugunan ang anumang concern.

“All airport managers are directed to implement 24/7 operations and direct communication lines to ensure the safety, security, reliability, and comfort of the passengers,” pahayag ng CAAP.

Samantala, pinayuhan ng CAAP ang mga pasahero na:

>Dumating nang mas maaga sa paliparan bago ang kanilang flight

>Subaybayan ang mga abiso ng airline

>Sumunod sa mga umiiral na airport protocol upang matiyak ang maayos at walang abalang paglalakbay

RNT