MANILA, Philippines- Nakatakdang isapinal ng bicameral conference committee ang bersyon ng Senado at Kamara ng 2025 General Appropriations Act sa susunod na linggo, ayon kay Senate President Francis Escudero.
Aniya, muling magpupulong ang komite sa Dec. 9 o 10, depende sa iskedyul ng mga miyembro.
“Pero hopefully by next week, magkakaroon isang bicameral conference committee meeting para mag-discuss, mag-approve ng mga pinopropose ng House and Senate staff kaugnay ng reconciliation ng budget,” pahayag ng Senate chief sa Kapihan sa Senado.
Binanggit ni Escudero na anim na araw na lamang ang natitira sa Congressional Calendar ng Disyembre at 24 pang session days sa 19th Congress.
Ang huling araw ng Kamara bago ang Yuletide break ay December 18. Magpapatuloy ito sa mga sesyon mula January 13- February 7, 2025 bago ang muli mag-break para sa 2025 election campaign.
Balik-trabaho sa June 2-13 para tapusin ang ibang gawain bago i-adjourn ng 19th Congress ang 3rd regular session sine die. RNT/SA