MANILA, Philippines – Sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang bansa ay “80% closer” para matupad ang universal healthcare para sa lahat ng mga Pilipino.
Tinukoy ng Pangulo ang progreso sa pagbuo ng isang sistema para sa accessible, affordable, at quality medical services.
Ito’y matapos niyang bisitahin ang Bataan General Hospital and Medical Center sa Balanga, Bataan upang i-assess ang implementasyon ng Zero Balance Billing (ZBB) program.
“I’m very happy that we are instituting this program. I think it’s been a long time coming. Malapit na tayong umabot talaga sa universal healthcare. We are 80 percent of the way. Kaunti na lang at matutupad na natin ang universal healthcare,” pahayag ni Pangulong Marcos sa mga mamamahayag matapos ang pagbisita.
Ayon sa Pangulo, ang Zero Balance Billing ay ipinatutupad na sa 78 government-run hospitals. Sa Bataan General Hospital and Medical Center, nasa 2,976 pasyente na ang nakikinabang mula sa programa.
Pinuri rin niya ang nasabing ospital para sa matagumpay na implementasyon ng ZBB sa pamamagitan ng pagtiyak na ang mga pasyente ay naidi-discharge na walang inilalabas na pera para sa bayarin.
“’Pag malapit na ma-discharge ang pasyente, hinahatid sa kanila ang zero billing – another added convenience which I think we should adopt all around the country,” ayon kay Pangulong Marcos.
Dagdag pa niya, malaking tulong ito dahil mas marami na ngayon ang nagpupunta sa mga ospital.
Aniya, nananatili siyang committed na tuparin ang kanyang aspirasyon para sa isang matagumpay na universal healthcare system.
Tiniyak din ng Chief Executive sa mga healthcare workers ang patuloy na suporta ng pamahalaan.
“So, ’yun ang ating binubuo na sistema for the healthcare dito sa Pilipinas. Ipagpatuloy natin ito. My aspiration, of course, is to achieve the dream of universal healthcare for all our people,” aniya pa.
“It’s just a question of building up the economy so we can afford it, number one, and putting in the systems. The systems are all in place,” dagdag ng Pangulo.
Samantala, sa ilalim ng ZBB Program, ang lahat ng miyembro ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na naka-admit sa basic o ward accommodations sa mga ospital ng Department of Health ay hindi maglalabas ng kahit anumang out-of-pocket expenses para sa kanilang hospitalisasyon. Kris Jose