Home NATIONWIDE Pinas aasistihan ng Japan sa pagkamit ng ‘self-reliant’ defense industry

Pinas aasistihan ng Japan sa pagkamit ng ‘self-reliant’ defense industry

MANILA, Philippines- Nilalayon ng Pilipinas na makipagtulungan sa Japan upang bumuo ng sarili nitong defense industry at mag-develop ng local expertise at mabawasan ang pagiging “dependent” sa foreign arms suppliers.

Nagpulong sina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at Japanese Ambassador Kazuhiko Koshikawa sa Camp Aguinaldo nitong nakaraang linggo at tinalakay ang posibilidad ng kolaborasyon upang makamit ang “self-reliant defense posture” para sa Pilipinas sa pamamagitan ng “expertise exchange and research and development” sa defense equipment, mga sistema at iba pang teknolohiya.

Unang sinubukan ng Pilipinas na lumikha ng sariling defense industry sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1970s subalit hindi ito natuloy.

Isinusulong ng Department of National Defense ang pag-depende sa local suppliers upang ipakilala ang limitadong pagtangan sa suporta ng mga dayuhan para sa defense requirements, subalit kulang ang pondo para sa R&D efforts.

Ikinagalak naman ni Teodoro ang security assistance ng Japan, isang bagong programa na naglalayon na palakasin ang militar nito at ng partner countries, kabilang ang Pilipinas bilang isa sa mga unang benepisyaryo.

Samantala, sinabi ni dating Defense Secretary Delfin Lorenzana na dapat ipagpatuloy ng Pilipinas ang pagpapalakas ng defense capabilities nito upang maging maaasahang security partner sa rehiyon sa gitna ng umuusbong na three-way trilateral security partnership sa Japan at sa United States.

Sinabi niya na ang trilateral cooperation ay “very beneficial” para sa Pilipinas. “We can benefit from them in the transfer of technology, beefing up our resources and capabilities so we can also work with them.”

“We should be a credible partner of regional security where we can be relied upon,” aniya.

Nagkita ang national security advisers ng Pilipinas, Japan, at ng United States sa Tokyo nitong nakaraang linggo at kapwa sumang-ayon na magsasagawa ng combined maritime activities sa West Philippine Sea sa gitna ng “unilateral attempts to change the status quo by force or coercion.”

Ang Washington at Tokyo ay hindi claimants sa South China Sea subalit makailang ulit na inihayag ang pagkabahala sa agresyon ng China sa rehiyon, kasama ang West Philippine Sea at Taiwan. RNT/SA