Home NATIONWIDE Pinas Ika-9 sa Global Impunity Index, Bong Go: PH journo patuloy na...

Pinas Ika-9 sa Global Impunity Index, Bong Go: PH journo patuloy na protektahan

MANILA, Philippines- Hiniling ni Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na patuloy na protektahan ang mga mamamahayag sa bansa kaugnay ng ulat na ang Pilipinas ay nasa ika-9 sa Global Impunity Index for journalist killings.

Nabatid na ang bansa ay nananatiling isa sa mga pinakamapanganib na lugar para sa mga mamamahayag, kahanay ang mga bansang Somalia, Iraq, at Mexico, kung saan bihira ang hustisya para sa mga pinaslang na journalist.

Ang ranking na inilabas ng Committee to Protect Journalists (CPJ) ay nagpapakita ng unresolved killings sa journalist at mataas na antas ng impunity sa Pilipinas.

Bilang miyembro ng Senate committee on public information, nagpahayag ng pagkabahala si Sen. Go sa mga hamon na kinakaharap ng mga manggagawa sa media sa Pilipinas. Binigyang-diin niya ang kritikal na papel na ginagampanan ng mga mamamahayag sa isang demokratikong lipunan.

Noong nakaraang administrasyong Duterte, sinikap ng gobyerno na pangalagaan ang media sa pamamagitan ng pagtatatag ng Task Force on Media Security.

At bilang isang mambabatas, itinaguyod ni Go ang mas matibay na pananggalang sa pamamagitan ng Senate Bill No. 1183, kilala rin bilang Media and Entertainment Workers Welfare Act, na inihain niya sa Senado.

Layon ng batas na palakasin ang mga proteksyon sa mga manggagawa sa media at magbigay ng mas pinahusay na benepisyo sa lahat ng platform, kabilang ang broadcast, print, at digital media.

Sa ilalim ng panukalang ito, ang mga employer ng media ay kinakailangang gumawa ng kontrata sa mga empleyado upang matiyak ang pantay na pagtrato at maitaguyod ang mga karapatan ng mga mamamahayag.

Kabilang dito ang mga probisyon para sa health insurance, overtime at night differential pay, hazard pay, at iba pang mahahalagang benepisyo upang maprotektahan ang mga manggagawa sa media mula sa hindi patas na pagtrato at pagsasamantala.

“Dapat nating tiyakin na ang ating mga propesyonal sa media ay maayos na sinusuportahan at nababayaran, lalo’t kritikal ang kanilang trabaho,” idiniin ni Go.

“Hindi matatawaran ang kontribusyon ng ating mga mamahayag sa ating bansa. Sila ang nagdadala ng boses ng katotohanan sa ating mga mamamayan, kahit na ang kapalit nito ay sariling kaligtasan. Kaya kailangan nating tiyakin na sila ay protektado at may sapat na seguridad sa kanilang trabaho,” ayon kay Go.

Nanawagan si Go sa pambansang pamahalaan na magtulungan sa pagtiyak ng mas ligtas na kapaligiran para sa journalists.

“Panahon na para magkaisa ang ating mga ahensya at lahat ng sektor ng lipunan upang masiguro ang kaligtasan at proteksyon ng ating mga mamahayag. Sila rin ay mga bayani ng ating bayan, nagbibigay ng mahalagang serbisyo at impormasyon sa ating mga kababayan. Sama-sama nating tiyakin na walang makapipigil sa kanilang paglilingkod nang may kalayaan at kasiguruhan,” pagdidiin ng mambabatas. RNT