Home HOME BANNER STORY Pinas nagpapagamit sa US sa ‘geopolitical rivalry’ nito sa Tsina – Digong

Pinas nagpapagamit sa US sa ‘geopolitical rivalry’ nito sa Tsina – Digong

MANILA, Philippines – PINAYAGAN ng gobyerno ng Pilipinas ang Estados Unidos na gamitin ito para sa pansariling ‘geopolitical rivalry’ ng Amerika sa Tsina.

Ito ang dahilan ayon kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte ng paglala ng tensyon sa pagitan ng Maynila at Beijing.

Sinabi ni Digong Duterte, sa panahon ng kanyang termino ay malaya ang mga mangingisdang pinoy para maghanap buhay hanggang sa pumasok na ang bagong administrasyon at nagbago na ang lahat.

“Wala naman tayong away sa China noon. We were free to fish in and out the area, nobody was bugging us and there was no issue of territory. We were not molested, we were there to fish, to make a living. Ito na lang ngayon [nag]bago nitong diskarte,”ayon kay Duterte.

Matatandaang, taong 2013 nang maghain ang Pilipinas ng arbitration case laban sa Tsina ukol sa nine-dash-line claim na iginigiit ng Tsina, na pumasok naman sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Sinasabing naging mahalaga ang foreign policy ni Digong Duterte sa Tsina lalo na nang magdesisyon ang dating Pangulo na isantabi ang 2016 victory ng Pilipinas sa arbitral case.

Iyon nga lamang, lumalabas na ang kanyang successor na si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ay pinananatili ang ugnayan ng bansa sa Estados Unidos.

“Hindi ko ma-ano nga if I will be storytelling kung ano talaga nangyari, but alam ninyong lahat yan, what started the ruckus there. Never mind if America is using [us]… The Philippines, ginamit. Eh nagpagamit. Kanya-kanyang [diskarte], depende kung sinong nakaupo,” ayon kay dating Pangulong Duterte.

Maliban kay Digong Duterte at kanyang political allies, ang national democratic activist groups gaya ng Bagong Alyansang Makabayan ay nagprotesta rin laban sa panghihimasok ng Tsina sa katubigan ng Pilipinas, kinontra ang presensiya ng US military sa bansa dahil sa di umano’y inilalagay sa panganib ang Pilipinas na maipit sa geopolitical conflict.

Sinasabi ng Bayan at kaalyadong grupo nito na ginagamit ng Estados Unidos ang Pilipinas at ang usapin ng West Philippine Sea (WPS) para mapigilan ang ambisyon ng mga intsik sa rehiyon.

Sinabi pa ni Digong Duterte na ang US bases sa Pilipinas ay mayroong “missiles”, dahilan para mas maging ‘vulnerable’ ang Pilipinas sa pag-atake ng mga intsik.

At dahil sa kamakailan lamang na muling pagtaas ng tensyon sa WPS, kapuwa muling inulit ng Estados Unidos at Pilipinas na gawing aktibo ng kanilang mutual defense treaty sakali at magkaroon ng armed attack.

Gayunman, sinabi ng Pilipinas na handa itong ayusin ang ugnayan sa Tsina lalo na’t matapos ang bayolenteng girian sa karagatan sa pagitan ng China Coast Guard at Pilipinas, dahilan para maputulan ng hinlalaki sa kamay ang isang Navy officer sanhi ng malakas na pagbangga. Kris Jose