Home NATIONWIDE Pinas, Tsina nagdaos ng bilateral talks ukol sa SCS sa Cebu

Pinas, Tsina nagdaos ng bilateral talks ukol sa SCS sa Cebu

194
0
(c) DFA

MANILA, Philippines – Nagsagawa ng bilateral talks ukol sa pinagtatalunang South China Sea ang mga senior diplomat mula Pilipinas at Tsina, kung saan patuloy na umiigting ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Isinagawa sa sidelines ng two-day ministerial meeting ng top diplomats mula sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Cebu, nagpulong sina Philippine Department Undersecretary for Policy Leo Herrera-Lim at Hou Yanqi, China’s Director-General ng Department of Boundary and Ocean Affairs on maritime-related matters. Kabilang sa napag-usapan ang implementasyon ng umiiral na non-binding code sa pagitan ng ASEAN at Tsina.

May isang 2002 agreement sa pagitan ng ASEAN at Tsina na nananawagan sa lahat ng claimants na “to exercise restraint and stop new occupation of territories in the South China Sea.”

Gayunman, kulang ito sa kapangyarihan upang parusahan ang estado na lalabag sa probisyon. Kapuwa naman sinubukan ng magkabilang panig na tapusin ang negosasyon para sa isang legally binding code ngayong taon.

“Both sides had a candid exchange of views on bilateral relations, maritime-related matters, and regional and international issues of mutual interest,” ayon sa kalatas ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Nito lamang nakaraang linggo, sinabi ng Pilipinas na nakaaalarma ang mainit na palitan ng salita sa pagitan ng mga Filipino officials at Chinese diplomats sa Maynila ukol sa kanilang long-standing territorial rifts sa South China Sea.

Sa Beijing, ipinatawag ng China’s Ministry of Foreign Affairs si Philippine Ambassador Jaime FlorCruz para iprotesta ang mga naging pahayag ni Philippine Coast Guard spokesperson Commodore Jay Tarriela, na hayagang binatikos ang tumataas na agresibong aksyon ng Tsina sa katubigan.

Sinabi naman ng DFA na ito’y “made firm representations to the Chinese ambassador and the Chinese Embassy conveying serious concerns with the escalation of public exchanges.”

Nagbabala naman ang DFA na ang word war ay maaaring “unnecessarily derail the diplomatic space needed to manage the tensions in the maritime domain.”

Nagpahayag naman ng suporta ang DFA sa mga opisyal ng Pilipinas, kabilang na ang ilang mambabatas na nagsalita upang ipagtanggol ang soberanya ng Pilipinas sa katubigan.

Samantala, sa miting sa Cebu, sinabi ng departamento na ang Philippine at Chinese officials “underscored the importance of sustained diplomatic dialogue and continued cooperation across all sectors.”

Iginiit naman ng Tsina ang pagmamay-ari sa halos 90 porsiyento ng South China Sea, kabilang ang mga lugar na nag-overlap sa territorial waters ng Pilipinas at iba pang Asian nations.

— Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here