Home NATIONWIDE Pinas tuloy sa pagdepensa sa sovereign rights sa WPS – PBBM

Pinas tuloy sa pagdepensa sa sovereign rights sa WPS – PBBM

MANILA, Philippines- Ipagpapatuloy ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pagdepensa sa sovereign rights ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Ito’y sa gitna ng protesta ng Tsina sa bagong mga batas na nagbigay ng ‘ngipin’ sa pag-angkin ng Pilipinas sa resource-rich area.

Tinukoy ni Pangulong Marcos ang Philippine Maritime Zones Act at Philippine Archipelagic Sea Lanes, tinintahan noong November 8.

Ipinatawag naman ng Beijing si Philippine Ambassador to China Jaime FlorCruz sabay sabing ang mga batas “illegally includes most of China’s Huangyan Island and Nansha Islands and related maritime areas in the Philippines’ maritime zones.”

“They (China) have objections [with the new law]. They say they do not agree and they will continue to protect what they define as their sovereign territory. Of course, we do not agree with their definition of sovereign territory,” ang naging tugon naman ni Pangulong Marcos.

“So, there is no change there because our position remains the same,” dagdag na wika nito.

Sa ulat, tinutukoy ng Maritime Zones Act (RA 12064) ang lawak at hangganan ng maritime domains ng bansa upang kilalanin ng international community.

“Ang ‘West Philippine Sea’ ay hindi na lang basta isang kataga. Sa unang pagkakataon, ito ay pormal na pakakahulugan at itatakda sa isang batas ng Pilipinas. Maituturing natin ang RA 12064 bilang ‘birth certificate’ ng WPS,” paliwanag ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino Tolentino.

Samantala, itinatakda ng Philippine Archipelagic Sea Lanes Act ang tatlong sea lanes sa loob ng archipelagic waters ng bansa, gayundin ang air routes sa ibabaw nito. Ang tatlong ASLs na ito ay ang Celebes Sea, Sibutu Sea, at Balintang Channel.

“Sa naturang ASLs pahihintulutang dumaan ang mga banyagang sasakyang pandagat at panghimpapawid,” ayon kay Tolentino. Aniya, sa pamamagitan nito ay maiwasan ang iligal na pagpasok ng mga dayuhang barko o eroplano sa sea lanes o air space ng bansa.

Ang magkatambal na batas ay magsisilbing implementasyon ng makasaysayang 2016 Hague Arbitral Ruling na pumabor sa Pilipinas, sang-ayon sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Ang naturang mga batas ay pormal na isusumite sa United Nations (UN) para sa anotasyon nito, gayundin sa dalawang mahalagang pandaigdigang ahensya – ang International Maritime Organization (IMO), at International Civil Aviation Organization (ICAO). Kris Jose