MANILA, Philippines – Makakaranas ng mga mahinang pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa dahil sa northeast monsoon o “amihan,” ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes.
Ayon sa PAGASA, inaasahan ang mahinang ulan sa Cordillera region, Cagayan Valley, Caraga, Aurora, Quezon, Marinduque, Oriental Mindoro, Camarines Norte, Camarines Sur, Northern Samar, at Eastern Samar. Posible naman ang panaka-nakang mahinang ulan sa Metro Manila, iba pang bahagi ng Luzon, Visayas, at hilagang Mindanao.
Magkakaroon naman ng panaka-nakang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms sa natitirang bahagi ng Mindanao.
Inaasahan ang malakas hanggang mala-bagyong hangin at maalong hanggang napaka-along karagatan sa hilagang Luzon at silangang bahagi ng Central Luzon, Southern Luzon, Visayas, at Mindanao. Sa iba pang lugar, inaasahan ang katamtaman hanggang malakas na hangin at katamtaman hanggang maalong dagat.
Samantala, ang low-pressure area na dating tropical cyclone Ada ay huling namataan na 1,155 kilometro sa silangan ng timog-silangang Luzon at hindi inaasahang muling lalakas bilang isang bagyo sa loob ng susunod na 24 oras.
Isa pang LPA sa labas ng Philippine Area of Responsibility, na nasa humigit-kumulang 2,000 kilometro sa silangan ng hilagang-silangang Mindanao, ay malabong maging bagyo rin sa susunod na 24 oras, ayon sa PAGASA. RNT