MANILA, Philippines — Nasagip ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Filipina na posibleng biktima ng human trafficking kaugnay ng umano’y surrogacy scheme sa Georgia matapos siyang maharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Setyembre 15.
Ayon sa BI, una umanong sinabi ng pasahero na tinukoy lamang bilang “Marlyn” na pitong araw siyang magbabakasyon sa Thailand.
Dahil sa ilang hindi nagtugmang pahayag, isinailalim siya sa secondary inspection kung saan lumabas na Georgia pala ang tunay niyang destinasyon.
Sinabi ng babae na makikipagkita siya roon sa isang Chinese national na tinukoy bilang “Luca,” na nakilala niya sa WhatsApp sa pamamagitan umano ng isang Filipina na tinukoy bilang “Aubrey.”
Ayon kay Marlyn, inalok siya ng surrogacy arrangement kapalit ng US$400 kada buwan habang nagbubuntis at US$600 pagkatapos manganak.
Nakuha rin ng immigration personnel ang kanyang Georgia e-visa at itinerary na nagpapakitang mula Bangkok ay bibiyahe siya patungong Georgia via Shanghai, China.
Matapos ang assessment, itinurn-over siya sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang imbestigasyon at kaukulang aksyon.
“This incident demonstrates how vigilance at our borders can help prevent the exploitation of Filipinos,” ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado.
Sinabi ng BI na patuloy nitong paiigtingin ang border security at passenger screening laban sa human trafficking, illegal recruitment at iba pang uri ng pagsasamantala.