TULUYAN nang idineklarang nagkasala sa human trafficking ang 13 babaeng Filipino sa Cambodia makaraang mapatunayan silang nagbebenta ng mga baby na kanilang ipinagbubuntis o ipinanganganak.
Hinatulan silang lumabag sa batas laban sa human trafficking na may parusang apat na taong pagkakulong.
Gayunman, para sa mga buntis pa lamang, ikukulong lang sila matapos silang manganak.
Hindi naman malinaw kung nanganak na ang iba at buntis pa lang ang iba.
Napag-alamang pinupunlaan sila ng katas ng lalaki at itlog ng babae upang magbuntis at pagkatapos kukunin ng mga nagtanim sa kanila ang mga baby na nabubuo pagkapanganak ng mga ito.
Hindi naman nakikilala ng mga Pinay ang mga magulang ng mga ipinagbubuntis at ipinanganganak nila.
Basta tinatanggap lang nila ang halagang $10,000 o P500,000 na pabuya sa pagbubuntism, bukod sa libreng paospital.
Ayon kay Philippine Ambassador to Cambodia Flerida Ann Camille Mayo, na-recruit ang mga Pinay sa bisa ng komunikasyong online o messaging o texting galing sa mga Pinoy na recruitment agency.
Pagkatapos paliliparin na sila sa Cambodia at doon na sila tatamnan ng mga semilya at itlog para mabuntis.
Kaya naman, sinasabi ngayon nina Mayo na dapat maging mapanuri at mapagbantay ang mga Pinay sa mga recruiter, lalo na ang mga hindi tumutugot sa kalakarang ganito at mapipilitan na lang na magpabuntis kapag nasa ibang bansa na sila.
Kung iisipin, mga brad, tukso ang P500,000 na kabayaran sa pagbubuntis, lalo na sa hanay ng mahihirap at walang pagkakataon na mabuhay nang disente at may kinabukasan sa Pilipinas.
Hindi ba milyon-milyong ang naghihirap at kasama rito ang milyon-milyong Pinay na nabubuhay sa hirap at kagutuman?
Ang masakit, sa halip na hanapin at ibangon ng mga lider ng bansa ang naghihirap at nagugutom na mga Pinay, itong agawan sa poder para makapagpayaman ang inaatupag ng mga lider na ito.






