Home NATIONWIDE Pinoy healthcare workers kinilala sa 4th ‘Konsyerto sa Palasyo’

Pinoy healthcare workers kinilala sa 4th ‘Konsyerto sa Palasyo’

MANILA, Philippines- Nag-host ng concert ang First Couple na sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Unang Ginang Liza Araneta-Marcos nitong Linggo ng gabi sa Kalayaan Grounds sa Palasyo ng Malakanyang para kilalanin ang sakripisyo at dedikasyon ng mga Filipino healthcare workers.

Tinawag na “Konsyerto sa Palasyo: Para sa ating mga Healthcare Workers,” ipinamalas nito ang talento ng mga Pilipino sa pagkanta, pagsayaw at iba’t ibang uri ng sining

Ang filipino nurses sa United Kingdom (UK) — Xyza Macutay-Malloch, Louie Horne and Charito Leonardo-Romano, recipients ng British Empire Medal (BEM), ay kabilang sa mga dumalo. Kinilala ang mga ito habang isinasagawa ang konsyerto.

Si Malloch ng Ilagan, Isabela ay nakatanggap ng BEM noong 2021 para sa kanyang ‘outstanding contributions’ sa British society sa panahon ng Covid-19 pandemic.

Inimbitahan siya para saksihan ang koronasyon ng kanyang Kamahalan King Charles III sa Westminster Abbey noong Mayo.

Si Horne naman ay nakatanggap ng BEM noong nakaraang taon para sa kanyang naging kontribusyon sa nursing at adbokasiya para sa international staff sa loob ng National Health Service, naging kauna-unahang Filipino Lamp Bearer sa 58th Florence Nightingale Commemoration Service sa Westminster.

Natanggap naman ni Romano ang kanyang BEM noong 2021 para sa kanyang kapuri-puring gawa sa UK sa panahon ng pandemya.

Ang Filipino music icon na si Martin Nievera ang nanguna sa lineup ng mga local artists na umakyat sa entablado ng Palasyo.

Sa isang pagkakataon, habang nagpe-perform si Nievera ay iniabot nito ang mikropono kay Pangulong Marcos para kantahin nito ang bahagi ng kanyang classic hit na “Be My Lady,” na pinagbigyan naman ng Pangulo, ikinatuwa naman ito ni Unang Ginang Liza at ng mga manonood.

Bukod kay Nievera, nakiisa rin sa event at nag-perform ang Powerdance dance group ni Douglas Nierras; “The Clash Philippines” finalist na si Garrett Bolden; ang singer at dating child actor na si Brenan Espartinez; ang singer at music coach na si Justin Taller; ang singer na si Christel Galacan; at ang singer at theater artist na si Lara Maigue.

Kasama rin sa nag-perform ang singer na si Alyn Magadia, kasama ang “6th Pilipinas Got Talent” aerial dance winner Kristel de Catalina at “The Voice Generation” contestants na Ayta Brothers.

Sa nasabing konsyerto, nagkaroon ng isang video presentation na nagpapakita ng 83 “Lab for All” medical trucks na ipamamahagi sa lahat ng lalawigan sa iba’t ibang panig ng bansa

Ang “Lab for All” ay health at social services program ni Unang Ginang Liza.

Matatandaang unang idinaos ng Malakanyang ang “Konsyerto sa Palasyo” para sa mga sundalo noong Abril ng nakaraang taon, para sa mga atleta naman noong (Agosto 2023) at mga guro (Oktubre 2023). Kris Jose