MANILA, Philippines – Bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng kaguluhan sa Gitnang Silangan, iminungkahi ni Sara Duterte nitong Sabado, Marso 7, ang paggamit ng bisikleta, carpooling, at pagbabawas ng hindi kinakailangang biyahe bilang paraan para mabawasan ang epekto ng krisis sa mga mamamayan.
Sa kanyang video message sa Facebook, sinabi ni Duterte na lahat ay mararamdaman ang bigat ng pagtaas ng presyo, lalo na ng pagkain, ngunit may magagawa ang bawat tao at komunidad.
Hinimok niya ang mga lokal na pamahalaan na iwasan ang mga aktibidad na hindi kinakailangan at nakadepende sa langis, gaya ng mga parada at iba pang selebrasyon.
Kabilang sa mga mungkahi niya ang pagbabawas ng paggamit ng enerhiya sa pamamagitan ng carpooling, bisikleta, at pagsasaayos ng iskedyul ng pagbiyahe; Pagtutok sa lokal na produksiyon at suporta sa mga lokal na magsasaka at maliliit na supplier upang mabawasan ang pag-asa sa imported na produkto; Pagbabahagi ng impormasyon sa pagbabago ng presyo at pagtuturo ng praktikal na hakbang sa pagtitipid sa mga pamilya.
Bukod sa mga hakbang ng komunidad, hinimok din niya ang gobyerno na agad mag-monitor ng presyo ng langis at epekto nito sa pangunahing pangangailangan; Ipatupad ang mahigpit na polisiya laban sa hoarding at labis na taas ng presyo; Magsagawa ng regular na inspeksyon at ipasara ang mga negosyanteng lumalabag sa batas
Hinimok din niyang magbigay ng pansamantalang subsidiyo, price caps sa pagkain, at isaalang-alang ang targeted cash transfers para sa low-income na pamilya; Magbigay ng advisory sa fuel-efficient na distribusyon ng pagkain at insentibo sa pampublikong transportasyon.
Aniya, “Malalagpasan natin ang pagsubok na ito tulad ng nalagpasan natin ang pandemya,” na nagbibigay diin sa kolektibong pagtutulungan ng komunidad at gobyerno upang mapagaan ang epekto ng krisis sa presyo ng langis at pangunahing bilihin. RNT/MND