Home NATIONWIDE Pinoy MSMEs sasanayin ng Google sa online presence

Pinoy MSMEs sasanayin ng Google sa online presence

WASHINGTON, D.C.- Nangako ang global tech giant Google na aasistihan ang Filipino micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa pagpapaigting ng online presence, at sasanayin ang mahigit 100,000 bata at mga magulang sa responsableng paggamit ng digital technology.

Sa pulong kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sinabi ni Google global vice president Karan Bhatia na ipagpapatuloy ng kompanya ang pagtulong sa MSMEs at pag-upskill sa mga ito sa digital landscape, sa pakikipagtulungan sa Department of Trade and Industry (DTI).

“This is to enable small businesses get a presence online and figure out how do they connect with the rest of the world,” pahayag ni Bhatia sa Pangulo.

Nauna nang ipinalabas ng kompanya ang Google Career Certificates (GCC) sa virtual campuses ng DTI, saklaw ang 1,300 Negosyo Centers sa 16 rehiyon sa buong Pilipinas.

Nakapagbigay din ito ng halos 40,000 GCC scholarships sa mga kabataang Pilipino, jobseekers, MSME entrepreneurs, at civil servants sa mga kasanayan tulad ng project management, cybersecurity, IT support, data analytics, UX design, at digital marketing.

Sa parehong pulong, sinabi ni Bhatia na magpapatupad ang Google ng programang naglalayong sanayin ang mahigit 100,000 batang Pinoy at kanilang mga magulang sa ligtas at responsableng paggamit ng digital technology.

“Because kids are often online for a long period of time, and we need to make sure that they know how to use the technology. So we thus far engage in training for 100,000 Filipino kids and are going to continue to grow that as well,” aniya.

Gayundin, binanggit ni Bhatia na nakatakdang palawigin ng kompanya ang business operations nito sa Pilipinas, na may halos 50,000 empleyado sa bansa simula 2013.

Kasunod ang pulong ng Trilateral Leaders Summit nitong Huwebes sa pagitan nina Marcos, US President Joe Biden, at Japanese Prime Minister Fumio Kishida. RNT/SA