MANILA, Philippines – BINIGYANG-pugay ng pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang kontribusyon ng mga senior citizen sa malaking ambag nito sa bansa kasabay ng isinasagawang paggunita ng Elderly Filipino Week.
“Taos-pusong pagpupugay sa mga kapwa ko senior citizen! You deserve all the recognition and goodwill because of your collective efforts to help build our nation,” ani PCSO Chairman Junie E. Cua.
“Suportado po natin ang buong pamahalaan at buong bansa sa iba’t-ibang aktibidad na isasagawa bilang komemorasyon ng linggong ito,” dagdag pa ni Cua.
Ang unang linggo ng Oktubre ay idineklara bilang Elderly Filipino Week sa bisa ng Proclamation 470 na inilabas noong 1994.
Tiniyak naman ni Cua na ang PCSO ay mananatiling nakatuon sa paggawa ng mga serbisyo ng ahensya na mas madaling maabot ng mga matatanda.
“Makakaasa po ang ating mga kababayang senior citizen na mananatiling top of mind ang kanilang ginhawa at kapakanan,” ani Cua.
Nabatid kay Cua na ang PCSO ay naglaan ng mga linya para sa mga matatanda para sa pag-claim ng premyo sa lotto, sa out-patient clinic ng Main Office nito, at mga branch office services.
“We continue to look for ways to improve our services for senior citizens,” ayon pa sa opisyal.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, mayroong 9.22 milyong senior citizen sa bansa noong taon 2020.
Ayon sa Population Commission, ang populasyon ng bansa 12 taon mula ngayon ay lalago sa 14 porsiyento mula sa kasalukuyang 8.5 porsiyento. RNT