Home HOME BANNER STORY Pinsala ng barko ng BFAR binangga ng China, sinusuri pa

Pinsala ng barko ng BFAR binangga ng China, sinusuri pa

MANILA, Philippines – Patuloy na sinusuri ng gobyerno ng Pilipinas ang pinsala ng barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) matapos harasin ng barko ng Tsina sa Bajo de Masinloc o Panatag Shoal.

Nauna nang sinabi ng PCG, na ang kanilang barko ay nagsasagawa ng routine maritime patrol kasama ang barko ng BFAR malapit sa Bajo de Masinloc upang suportahan ang mga Pilipinong mangingisda sa lugar nang mangyari ang panghaharass noong Disyembre 4 kung saan binomba ng water cannon ang BRP Datu Pagbuaya.

Sa kabila ng insidente, matagumpay na nadala ng PCG at BFAR ang suplay ng mga Pilipinong mangingisda sa Scarborough at Escoda Shoal.

Ang Bajo de Masinloc o Panatag o Scarborough Shoal ay matatagpuan sa Masinloc, Zambales sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Habang ang Escoda Shoal na tinawag ding Sabina Shoal ay nasa layong 70 nautical miles sa karagatan ng Palawan mainland at nasa 200-nautical-mile exclusive economic zone ng Pilipinas. Jocelyn Tabangcura-Domenden