Home OPINION PINSALA SA EGAY, FALCON, HABAGAT HARAPIN

PINSALA SA EGAY, FALCON, HABAGAT HARAPIN

HABANG tinitipa ito, may 16 nang patay sa pananalasa ng mga bagyong Egay at Falcon at habagat at maaaring madagdagan pa ang bilang ng mga ito dahil may 20 pang missing.

Walang nakatitiyak kung buhay pa o patay na ang mga missing na karaniwang tinangay ng baha, kasama ang 4 na kagawad ng Philippine Coast Guard sa Abulug, Cagayan..

Karamihan sa mga namatay ang taga-Cordillera Administrative Region sa bilang na 11; taga-Region 4A o CALABARZON at Western Visayas – tigdalawa; at taga-Region 2 – 1.  

Pwera pa sa mga namatay ang 26 na nalunod sa Lawa ng Laguna sa parte ng Binangonan, Rizal nang hampasin ng malalakas na hangin at alon ang sinakyan nilang bangka papuntang Talim Island.

Ganyan kalupit ang mga sama ng panahon at tiyak na hindi lang paghihirap ng kalooban ang nadadarama ng mga namatayan kundi tunay na paghihirap sa pagpasan ng gastusin sa mga lamay at paglilibing.

Paano rin ang mga pamilya na sa mga nasawi umaasa sa buhay?

Napakabigat isipin ang mga ganitong kalagayan, sa totoo lang, mga Bro.

MABUTI-BUTI PERO MAHIRAP PA RIN

Mabuti-buti man ang kalagayan ng mga nabuhay, mahirap-hirap naman pa rin para sa  nasa mga evacuation center, lalo na.

Daan-daang libo katao ang nagbakwit dahil sa mga baha o pagkasira ng kanilang mga bahay sa baha, landslide, lakas ng hangin, pagtumba ng mga puno at iba pang bunga ng masamang kalikasan.

Hindi naligtas dito ang mediamen na nag-ulat sa atin kung paano sila nagbakwit dahil sa gatao na mga baha, pagkasira ng kanilang mga bahay at kagamitan, kasama ang mga reserbang pagkain laban sa kalamidad at iba pa.

Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council, mahigit 15,000 katao na binubuo ng 4,315 pamilya ang nagbakwit sa 330 evacuation center mula sa 1,029,724 taong naapektuhan sa 2,615 barangay.

Ayon sa NDRRMC at Department of Social Welfare and Development, may P64 milyong halaga na ng mga ayuda ang naipamigay.

Bagama’t may mga ayuda naman sa pagkain, gamot, damit at iba pa ngunit paano ang mga walang mababalikang tahanan na sinira ng bagyo, landslide at tinangay ng baha?

At paano rin ang mga nasirang pinagkukunan nila ng kabuhayan?

Sa agrikultura lamang, kasama na ang mga alagang hayop, isda at pananim at mga gamit sa produksyon, umabot ang kasiraan dito sa mahigit P1.5 bilyon.

Halos P4.5 bilyon naman ang nasira sa mga imprastraktura na binubuo ng mga poste at tore ng kuryente at telepono, kalsada, tulay, airport, pier, eskwela, gusali ng pamahalaan sa mga barangay, munisipyo, lungsod, lalawigan at pambansang ahensya.

Ang agrikultura at imprastraktura ay parehong ikinabubuhay ng milyon-milyon kataong naapektuhan.

Paano kaya harapin at ayusin nang mabilis ang lahat ng mga problema sa kalamidad na naganap?