Home OPINION NAKAPIPIKONG MTPB

NAKAPIPIKONG MTPB

KAAALIS lang ng “Bagyong Egay” subalit ang iniwan nitong perwisyo sa mga kalye tulad ng baha ay hindi kaaya-aya.

Marami sa mga sasakyan lalo na sa Metro Manila ang naghagilap ng silungan dahil hindi naman pwedeng nakababad ito sa tubig baha at maraming parte nito ang masisira lalo na ang makina kapag inabot ng tubig-baha.

Ito naman ang sinamantala ng mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau lalo na ang nasa clamping section. Walang patawad na nag-operasyon ang mga ito sa kabuuan ng Maynila at hindi isinaalang-alang ang kalagayan ng mga may-ari ng mga sasakyan.

Pero ang masaklap, ang mga sasakyan na maayos na nakatabi sa bangketa sa kahabaan ng Rizal Avenue sa Sta. Cruz ay kanilang pinasadahan at hindi pinatawad kasama na ang sasakyan na matagal nang pumaparada sa lugar subalit noong araw lang na iyon nalagyan ng clamp.

Kasama nang kawawang sasakyan na natira ng MTPB sa clamping ay Toyota Fortuner na pag-aari ng isang colonel ng Philippine National Police na totoo namang hindi nakaparada nang maayos. Gayunman, nakatikim ng katakot-takot na mura ang mga tauhan ng MTPB at wala silang nagawa kaya’t tinanggal ang clamp sa SUV ng opisyal.

Subalit ang clamp sa kawawang sasakyan na maayos naman ang pagkakaparada ay hindi kaagad inalis. Inabot ng mahigit dalawang oras bago natanggalan ng clamp mabuti na lang ay may napakiusapang isang pulis na may koneksyon sa Manila City Hall.

Maaaring  hindi batid ni Mayor Honey Lacuna-Pangan ang ginagawa ng mga tauhan ng MTPB pero imposibleng hindi nanggaling ang utos ng director nitong si Dennis Viaje. Sana lang, magkaroon ng konsiderasyon si Viaje at mga tauhan nito lalo na kapag kararaan lang ng kalamidad.

Hindi masama na matuto tayong makipagkapwa-tao. Dahil posibleng dumating ang panahon na kayo naman ang mangailangan ng tulong ng taumbayan.