LAOAG CITY -HIGIT sa P40 milyon ang pinsala mula sa 70 forest grass fire sa higit na 4 na buwan simula pagpasok ng taon 2024.
Ayon kay Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) chief Victor Dabalos, sakop ng naturang halaga ang danyos na pagkatupok ng mga plantasyon sa kagubatan mula sa higit sa 5,000 ektarya sa mga lugar sa mga bayan ng Solsona, Piddig, Carasi, Vintar at Pasuquin.
Lumalabas sa datos ng Bureau of Fire Protection (BFP) na ang pangunahing sanhi ng wildfire sa lalawigan ay ang pangangaso ng baboy-ramo at pagkolekta ng wild honey.
“Sa susunod na taon, baka hindi na tayo makatikim ng pulot dahil malapit na tayong nakikipagtulungan sa mga local government units para ipagbawal ang mga tao na umakyat sa kabundukan, partikular na sa tag-araw,” ani Dabalos.
Samantala, ang pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Norte ay naglaan ng P5 milyon sa ilalim ng cash-for-work program nito upang makinabang ang mga residenteng naninirahan sa mga forest fire zone areas.
Sinabi naman ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Marcel Tabije, na nilagdaan ng kanilang gobernador ang pagpapalabas ng P5 milyon bilang cash-for-work program sa mga residente upang pigilan umakyat sa kabundukan ang mga residente para manghuli at mangolekta ng pulot.
Aniya, inatasan na rin ang mga residente na magtayo ng “fire breaks” sa mga hotspot areas o sa mga malapit sa national greening programs ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Nauna rito, binuo na rin ang Ilocos Norte Fire Fighting Group, na kinabibilangan ng mga tauhan ng DENR, Philippine National Police (PNP), BFP, Philippine Marines, at Philippine Air Force (PAF) upang maiwasan ang wildfire sa naturang lalawigan.
Maliban sa pagpapatrol at paglalagay ng mga bantay, plano rin ng grupo na magpatibay ng programa sa kagubatan para maagapan ang mga malawakang pinsala ng sunog sa kagubatan./Mary Anne Sapico