Home NATIONWIDE Pagpapauwi sa Pinas ng labi ng 3 OFW na nasawi sa malawakang...

Pagpapauwi sa Pinas ng labi ng 3 OFW na nasawi sa malawakang baha sa UAE minamadali na

Motorisits drive along a flooded street following heavy rains in Dubai early on April 17, 2024. - Dubai, the Middle East's financial centre, has been paralysed by the torrential rain that caused floods across the UAE and Bahrain and left 18 dead in Oman on April 14 and 15. (Photo by Giuseppe CACACE / AFP)

MANILA, Philippines – Target ng Department of Migrant Workers (DMW) na maiuwi ang mga labi ng tatlong overseas Filipino workers (OFWs) na namatay sa matinding pagbaha sa United Arab Emirates (UAE) noong o bago ang Abril 27.

Sa virtual press conference nitong Martes, Abril 23, sinabi ni DMW Officer-in-charge Undersecretary Hans Leo Cacdac na pinoproseso na ngayon ng Migrant Workers Office (MWO) sa Dubai ang mga kinakailangang dokumento para maiuwi ang mga bangkay.

“’Yung anak nung isa sa mga namatay ay on a visit visa at hanggang April 28 lang ang validity ng kaniyang visa kaya to avoid any complication ang aming target is on or before April 27 ay maka-uwi sila ” paliwanag ni MWO Dubai Labor Attache John Rio Bautista.

Aniya, bahagi ng proseso bago maiuwi ang mga labi ay ang pagkuha ng police at forensic reports, walang objection certificate at death certificate mula sa Philippine Consulate.

Sinabi ni Bautista na nai-turn over na nila ang mga personal na gamit ng dalawa sa mga biktima sa kanilang mga kamag-anak sa Dubai.

Nakatanggap din ang mga kaanak ng dalawang OFW ng iba pang karapatan ng mga biktima tulad ng hindi pa nababayarang suweldo at leave credits.

“The employer will likewise claim against the insurance para magkaroon pa ng karagdagang benepisyo na pwedeng ibigay dun sa dalawang kababayan natin na nagtatrabaho sa isang eskwelahan dito”,sabi pa ni Bautista.

Samantala, sinabi ni Cacdac na nagtungo ito sa Bacolor, Pampanga noong Martes upang bisitahin ang pamilya ng isa sa dalawang babaeng OFW na namatay sa suffocation sa loob ng kanilang sasakyan habang stranded sa pagbaha sa Dubai noong Abril 16.

Humingi naman ng tulong ang pamilya sa Overseas Workers Welfare Administration para sa paglilinaw sa pagkamatay ng mga OFWs.

“Isa sa mga dahilan kaya sinadya ang pamilya sa Bacolor to discuss this matter. Una, kinakalap pa ‘yung mga reports, the police report, the forensic reports, to establish the events which occurred with respect to Marjori and Jenny,” sabi ni Cacdac.

Tiniyak ni Cacdac na kumuha ng abogado ang DMW upang tignan ang detalye sa pagkamatay ng dalawang OFW.

“Rest assured we will discuss this with the family once we gather all the information but at this stage, we still cannot render such a recommendation to the family as we await the reports on the matter,” saad ni Cacdac. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)