MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson nitong Martes, Oktubre 28, na napag-alaman ng Manila Regional Trial Court (RTC) na ang pirma sa affidavit ng “surprise witness” na si Orly Guteza ay hindi pagmamay-ari ng abogado na nakasaad sa dokumento.
Ani Lacson, bagamat ang sinumpaang salaysay ni Guteza sa pagdinig ng flood control ay nananatiling “valid,” mayroon pa ring isyu sa kredibilidad nito dahil sa pagsisinungaling at pagsasabing si Atty. Petchie Rose Espera ang nagnotaryo ng kanyang affidavit.
“May findings na, may resolution na ‘yung executive judge ng Manila RTC. Napatunayan na hindi talaga signature o pirma nung notaryo, si Atty. Espera, ‘yung kanyang sinumpaang sanaysay,” pagbabahagi ni Lacson sa panayam ng DZBB.
Matatandaan na ipinakilala si Guteza sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee noong Setyembre 25 ni Senador Rodante Marcoleta, at sinabing nakipag-ugnayan umano ito sa kanya sa tulong ni
dating Anakalusagan party-list Representative Mike Defensor.
Sa testimonya, sinabi ni Guteza na siya ay dating security consultant ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, at personal umano siyang naghatid ng mga suitcase na naglalaman ng pera sa bahay ni Co at ni Leyte Rep. Martin Romualdez.
Itinanggi naman ng dalawa ang alegasyon.
Samantala, nauna nang itinanggi ni Espera na siya ang nagnotaryo sa affidavit ni Guteza at sinabing ang pirma at notarial details patungkol sa kanya ay “falsified and unauthorized.”
Sa kabila umano ng desisyon ng Manila RTC, sinabi ni Lacson na kikilalanin pa rin umano ng blue ribbon committee ang pahayag ni Guteza sa blue ribbon hearing.
“It doesn’t take away ‘yung validity ng kanyang sinumpaang salaysay sa harap naman ng Senado. Magkaiba ‘yun eh… ‘yung kanyang sinumpaang salaysay ay sinumpaan niya namang bukod sa harap ng blue ribbon committee,” sinabi ng senador.
“So mananatiling valid ‘yun at kikilalanin ‘yun. Even sa paggawa namin ng committee report, ay titignan namin ‘yun na ang presumption doon ay katotohanan kasi sumumpa siya na pawang katotohanan ‘yun,” dagdag pa nito. RNT/JGC