Home NATIONWIDE Pirma ni Guo sa counter affidavit at hearing attendance sheet magkaiba –...

Pirma ni Guo sa counter affidavit at hearing attendance sheet magkaiba – NBI

MANILA, Philippines – Napag-alaman ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi magkatugma ang mga pirma ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa kanyang counter affidavit at attendance sheet sa pagdinig sa Senado kamakailan.

Sinabi ng NBI na base sa isinagawang scientific comparative examination, ang mga pirma ay hindi isinulat ng isa at parehong tao.

Ipinaabot ni NBI Director Jaime Santiago ang impormasyon sa isang liham nitong Miyerkules kay Senator Risa Hontiveros, chair ng Senate panel na nangunguna sa imbestigasyon sa umano’y kaugnayan ni Guo sa mga kriminal na aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Aniya, ang pagsusuri ay ginawa bilang pagsunod sa direktiba ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, na pinamumunuan ni Hontiveros.

Nauna nang sinabi ni Guo na pinirmahan niya ang huling pahina ng dokumento, na na-notaryo ng abogadong si Elmer Galicia, bago siya umalis ng Pilipinas noong Hulyo. Ang dokumento ay may petsang Agosto 14.

Nang tanungin kung nabasa niya ang mga detalye ng kanyang counter affidavit, hiniling ni Guo ang kanyang karapatan laban sa self-incrimination.

Samantala, inilrawan ni Honticeros si Guo bilang “professional scam artist.”

Idinagdag ng mambabatas na ang abogado ni Guo ay dapat ding managot at imbestigahan ng DOJ at Integrated Bar of the Philippines.

Samantala, sinabi ni Senador Joel Villanueva na hindi siya nagulat sa natuklasan ng NBI. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)