MANILA, Philippines- Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara nitong Biyernes na kailangang mag-develop ng school examinations na tutugma sa Program for International Student Assessment (PISA).
Sa Malacañang Insider, sinabi ni Angara na dapat mahikayat ng school assessments ang mga estudyante na maging analytical at critical thinkers.
“I think we need to have more test exams that are PISA-like,” dagdag ni Angara.
Ipinaliwanag ng Education Secretary na dapat ipresenta ang mga mag-aaral upang magkaroon sila ng kakayahan at maisabuhay ito.
“It really goes to the quality of our education because the PISA exam measures a very specific type of skills,” ani Angara.
“They present you the situation, and you must react to it and analyze it. So, hindi lang siya parang iyong normal exam na ano iyong nangyari itong date na ito o ano iyong cause nito. So, they really give you a problem set. It’s a very real-world type.”
Nauna nang inihayag ni Angara na ang performance ng halos 8 milyong mag-aaral sa buong bansa ay dapat tutukan ng Department of Education (DepEd) at stakeholders nito bilang paghahanda para sa PISA sa susunod na taon.
Anang dating senador, ang kanyang “immediate goal” sa pamumuno sa DepEd lay itaas ang performance ng bansa sa susunod na PISA, na nakatakdang isagawa sa Marso 2025.
Batay sa 2022 PISA results, ika-anim sa pinakamababa ang Pilipinas mula sa 81 bansa at ekonomiya na nakilahok sa pag-aaral, kung saan naobserbahan na naiiwan ang mga estudyanteng Pilipino sa pagbasa, math, at science. RNT/SA