MANILA, Philippines- Nagsagawa ng joint maritime exercise ang Philippine Coast Guard (PCG) at Vietnam Coast Guard (VCG) sa Manila Bay nitong Biyernes bilang bahagi ng five-day port visit ng barko ng Hanoi.
Ayon sa PCG, isinagawa ang search at rescue, fire and explosion prevention training at passing exercise.
Layon ng aktibidad na pahusayin ang interoperability at operational readiness ng dalawang coast guard bilang aktibong miyembro ng estado ng ASEAN Coast Guard Forum (ACF).
Pagkatapos ng welcome ceremony, nagsagawa ng courtesy call si Region 2 Vice Commander Colonel Hoang Quoc Dat ng VCG kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan upang pag-usapan ang tungkol sa mga ibinahaging layunin at pakikipagsosyo sa hinaharap.
Nagtungo ang delegasyon ng VCG sa National Maritime Center at sa BRP Melchora Aquino (MRRV 9702) .
Nakibahagi rin sila sa friendly sports activities kasama ang kanilang Philippine counterparts.
Ayon sa Vietnamese Defense Ministry, ang pagbisita ng VCG ship na CSB 8002 ay may “malalim na kahalagahang pampolitika” dahil ito ay nagtataguyod ng komprehensibong kooperasyon at nagpapabuti ng kakayahan sa pagpapatupad ng batas sa dagat.
Nakatulong din ito sa pagpapanatili ng kapayapaan, katatagan, seguridad at kaligtasan sa rehiyon.
Enero 2024 nang lumagda ng memorandum of understanding ang Pilipinas at Vietnamese Coast Guards na nagtatatag ng joint Coast Guard committee at hotline communication mechanism.
Noong Hulyo, naghain ang Vietnam ng claim sa United Nations para sa pinalawig na continental shelf na lampas sa kasalukuyang 200 nautical miles sa South China Sea.
Naghain din ang Pilipinas ng parehong claim noong Hunyo.
Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na handa ito na makipag-ugnayan sa Vietnam sa mga posibleng paraan na makatutulong sa pagkamit ng mutually beneficial solution sa mga issue sa South China Sea alinsunod sa international law, partikular na ang UNCLOS. Jocelyn Tabangcura-Domenden