MANILA, Philippines- Inilahad ng Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes na iniimbestigahan nito kung ang “friendly fire” ang pumaslang sa isang pulis at naging dahilan ng pagkasugat ng isa pa sa rescue operation kamakailan para sa Chinese kidnap victims sa Angeles City, Pampanga.
Sa isang press conference, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na tiniyak ni PNP chief Police General Rommel Marbil sa pamilya ng nasawing pulis na mananagot ang responsable sa insidente.
“Kung mapapatunayan na nanggaling sa friendly fire ‘yung nakapatay sa pulis definitely mananagot po ito,” giit ni Fajardo.
“’Yun po ‘yung commitment na naibigay ng ating Chief PNP na mananagot kung sinuman ang nakapatay at nakasugat regardless kung saan nanggaling po ito. Kung ito po ay mapapatunayan na galing sa aming hanay ay wala po tayong itatago at pananagutin po ito,” dagdag niya.
Tumanggi si Fajardo na maglabas ng iba pang impormasyon ukol dito dahil gumugulong pa ang imbestigasyon at bilang respeto sa pamilya ng mga biktima.
Nasawi ang isang pulis habang sugatan ang isa pa sa pagsagip sa dalawang dinukot na Chinese nationals sa Angeles City noong nakaraang linggo, base sa PNP – Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) nitong Lunes.
Dinala sina Police Chief Master Sergeant Eden Accad at Police Staff Sergeant Nelson Santiago sa Angeles University Foundation Medical Center sa Angeles City upang gamutin.
Subalit, idineklara si Santiago na dead on arrival.
Ayon sa police report, iniulat ni Chinese police attaché Zheng Zhue bandang alas-11 umaga noong nakaraang Sabado sa mga awtoridad na dinukot ang dalawang Chinese sa Ayala Avenue.
Dinala ng kidnappers ang mga biktima sa Angeles City sa Pampanga at humirit ng ¥500,000 o P8,000,000 na ransom.
Bandang alas-2 ng hapon, nagsagawa ang PNP-AKG personnel ng operasyon sa De Guzman Street sa Sitio Feliza na nagresulta sa engkwentro, base sa mga pulis.
Nasagip ang dalawang biktimang Chinese habang nadakip naman ang dalawang suspek na kapwa Chinese. RNT/SA