MANILA, Philippines- Matapos ihayag ni Senator Ronald Dela Rosa na pinwersa ang mga dating police official na maglabas ng affidavits upang idiin siya at si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court drug war cases, sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes na wala itong na-monitor na anumang pagtatangka na impluwensyahan ang mga opisyal na tumestigo sa ICC.
Inihayag ni PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na hindi pa niya nakakausap si PNP Chief Police General Rommel Marbil at dating pinuno ng Criminal Investigation and Detection Group na si Police Major General Romeo Caramat Jr. ukol dito.
“I think it would be best to ask [Caramat] kung totoong nangyari itong meeting between him and the legal director and of course our Speaker po,” pahayag ni Fajardo sa isang press conference.
“On the part of the PNP, we have not monitored any attempt to influence or even encourage anyone to be a witness,” dagdag ng opisyal.
Noong Huwebes, sinabi ni Senator dela Rosa na kinausap nina dating Senator Antonio Trillanes IV at National Intelligence Coordinating Agency chief Ricardo De Leon ang retired at active police officials.
Ani Dela Rosa, hiniling nina Trillanes at De Leon, sa presensya nina Speaker Martin Romualdez at Ako Bicol Rep. Zaldy Co, sa mga dating pulis na magpalabas ng salaysay at idiin sila ni Duterte.
Kabilang si Dela Rosa sa mga suspek sa ICC probe sa drug war.
Itinanggi ni De Leon na pinilit ang police officials na tumestigo laban kina Duterte at Dela Rosa sa ICC.
Samantala, sinabi ni Co na sa kanyang pulong kina Romualdez at Caramat, “there was never any mention of testifying against anyone before the ICC.”
Kapwa inilahad nina De Leon at Co na nag-alok si Caramat na isisiwalat ang nalalaman ukol sa extrajudicial killings at sa war on drugs kapalit ng pagkakatalaga bilang PNP Chief.
Sa kasalukuyan ay wala pang komento si Caramat ukol dito. RNT/SA