MANILA, Philippines – Humihiling ng pansamantalang ₱1 dagdag-pasahe ang ilang transport groups dahil sa serye ng pagtaas ng presyo ng langis.
Kasalukuyang nasa ₱51.40 hanggang ₱70.45 kada litro ang diesel, habang nasa ₱50.50 hanggang ₱66.55 ang gasolina.
Nakipagpulong ang pitong grupo na tinawag ang sarili bilang “Magnificent 7” kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III.
Ayon kay Pasang Masda president Obet Martin, umabot na sa ₱4.50 ang kabuuang itinaas ng diesel, at apektado na ang modern at traditional na jeep.
Tinutulan ng LTFRB ang fare hike, dahil may nakalaang ₱2.5 bilyong fuel subsidy para sa mga transport operator. Gayunman, ibibigay lang ito kapag umabot sa $80 per barrel ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Dagdag ni Guadiz, bukas pa rin ang LTFRB sa pagdinig ng petisyon, lalo na kung isasaalang-alang ang taas ng gastusin sa pamumuhay, suweldo, at piyesa ng sasakyan. Santi Celario