MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) na tuloy ang kanilang tatlong araw na protesta bilang bahagi ng kanilang patuloy na kilos-protesta mula Marso.
Ayon kay PISTON president Mody Floranda, maaari pang tumagal ang protesta hanggang matapos ang Mayo 1 kung hindi matutugunan ang mga isyu sa presyo ng langis.
Giit niya, kulang pa rin ang posibleng rollback sa presyo ng krudo at nananatili ang kanilang panawagan na buwagin ang Oil Deregulation Law at alisin ang VAT at excise tax sa langis upang mabawasan ang gastusin ng mga driver.
Ayon pa sa kanya, limitado at hindi tuloy-tuloy ang fuel discount programs ng gobyerno kaya patuloy ang paghihirap ng mga tsuper sa araw-araw na gastos.
Samantala, sinabi ni Melencio “Boy” Vargas, pangulo ng ALTODAP, kasama ang Pasang Masda at Busina, na hindi sila sasali sa strike.
Ayon kay Vargas, mas makabubuting ipagpatuloy ang pakikipag-dialogo sa pamahalaan dahil ang transport disruption ay makakaapekto sa mga commuter.
Kabilang sa kanilang mga panukala ang loan payment deferment para sa mga operator at dagdag pondo para sa service contracting program ng gobyerno upang makatulong sa apektadong sektor.
Sinabi rin niya na bukas ang mga transport officials sa pakikipag-ugnayan sa mga bangko para sa posibleng loan relief, at iminungkahi ang pagtaas ng service contracting funds sa P2 bilyon hanggang P5 bilyon. RNT/MND