Home HOME BANNER STORY PISTON, MANIBELA umapela sa PH gov’t sa nakaambang pag-aresto sa ‘colorum’ PUVs

PISTON, MANIBELA umapela sa PH gov’t sa nakaambang pag-aresto sa ‘colorum’ PUVs

Larawan kuha ni Crismon Heramis

MANILA, Philippines- Dalawang araw bago simulan ng pamahalaan ang pagsita sa “colorum” public utility vehicles (PUVs), muling nagsagawa ng kilos-protesta ang jeepney drivers at operators nitong Martes sa Supreme Court (SC) kontra PUV Modernization Program (PUVMP). 

Sa nasabing kilos-protesta, nanawagan si MANIBELA chairperson Mar Valbuena sa SC na mag-isyu ng temporary restraining order (TRO) laban sa PUVMP at magkasa ng oral arguments upang marinig ang kanilang panig.

“Sa ating Korte Suprema, huwag tayong magbingi-bingihan, huwag tayo magbulag-bulagan. Tignan natin ang nakakarami. Ang higit na nakakarami na mamamayang Pilipino na ngayon ay naghihikahos,” giit ni Valbuena.

Binigyang-diin ni Valbuena na ang PUVs na tatangging mag-consolidate para sa PUVMP subalit patuloy na bibiyahe ay huhulihin simula sa Huwebes, Mayo 16. Inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board  (LTFRB) na ituturing ang unconsolidated PUVs na “colorum.”

Sa ilalim ng PUVMP, kailangang lumahok o bumuo ng jeepney drivers at operators ng mga kooperatiba. Maaari rin silang mag-apply ng bagong prangkisa bilang bahagi ng transport cooperatives.

Taong 2017 nagsimula ang PUVMP na naglalayong palitan ang mga jeepney ng mga unit na may Euro 4-compliant na makina para mabawasan umano ang polusyon. Layon din nitong palitan ang mga unit na matutukoy na hindi na “roadworthy” ayon sa pamantayan ng Land Transportation Office.

“Sana ay magbaba ng TRO… Kailangan nang suspindihin itong programa ng PUVMP sa kadahilanang marami nang nagpatotoo na ang programa ay palpak, nagkakandalugi at walang mga pyesa at mahihina ang mga sasakyan. Isang batayan yan upang ang program ay itigil,” ani Ruben “Bong” Baylon, deputy secretary ng transport group PISTON.

Noong Disyembre 2023, naghain ang ilang indibidwal ng petisyon sa SC na humihiling ng TRO o writ of preliminary injunction laban sa issuances kaugnay ng PUVMP.

Noong Mayo 2, ilang araw bago ang April 30 deadline para sa kanilang konsolidasyon, sinabi ng Supreme Court na tinatalakay pa ang petisyon.

Samantala, inihayag din ni Valbuena na umaasa sila sa mga pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. 

“Sinisingil ka namin ngayon Pangulong Bongbong Marcos Jr. Nasaan ang ipinangako mo? Na majority sa mga driver at operator ay ibinoto ka at ipinagkatiwala sayo ang kanilang kabuhayan, ang kanilang hanap buhay, at ang kinabukasan ng kanilang mga pamilya. Nasaan ka na ngayon?” apela ni Valbuena. RNT/SA