MANILA, Philippines- Iiwasan ang anumang pakikipag-ugnayan sa mga sasakyang pangisda ng China sa pangalawang misyon ng sibilyan sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas sa West Philippine Sea para hindi magkaroon ng panibagong insidente ng water cannon.
Sinabi ni Atin Ito co-convenor Rafaela David na limang pangunahing commercial fishing vessels at humigit-kumulang 100 fishing vessels o fishing boats ang sasali sa regatta sa Philippine territorial waters at maglalagay ng buoys na may nakasulat na mga salitang “West Philippine Sea Atin Ito” para magsilbing symbolic marker.
Magkakaroon din ng convoy ng fuel subsidies at food packs para sa mga mangingisda sa paligid ng Bajo de Masinloc.
Magsisimula ang convoy sa Miyerkules, Mayo 15, kung saan ang paglalakbay ay tatagal ng hanggang 15 oras.
Ang ikalawang misyon ng sibilyan ay inaasahang babalik sa Maynila sa Biyernes, Mayo 17.
“This second mission will invoke the spirit of bayanihan ng ordinaryong mamamayan kung saan magkakapit-bisig tayo. Sa mapayapang paraan, ipapakita natin ang paninindigan ng mga mamamayan sa pambu-bully ng China,” sabi ni David sa isang panayam. Jocelyn Tabangcura-Domenden