MANILA, Philippines- Nanawagan ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) nitong Linggo sa mga pasahero patungong Bicol na huwag magkumpulan sa istasyon, sa pagkansela sa mga biyahe dahil sa traffic at ilang kalsada na hindi pa rin madaanan kasunod ng hagupit ni Severe Tropical Storm Kristine (international name: Trami).
Base kay PITX corporate affairs officer Kolyn Calbasa, lahat ng biyahe patungong Bicol, Visayas at Mindanao ay kanselado maliban sa mga patungo sa Daet, at pinapayuhan ang mga pasahero na alamin ang trip schedule bago magtungo sa terminal.
“Marami pang sasakyan ang nag-traffic na doon sa Maharlika Highway, that’s why may mga cancellations tayo. Medyo hindi pa okay ‘yung daanan papunta’t papasok sa iba’t ibang lugar ng Bicol region,” pahayag niya base sa ulat nitong Linggo.
Subalit, sinabi ni Calbasa na ang mga pasaherong nasa terminal na o mga walang kakayahang magpabalik-balik ay maaaring maghintay na muling gumulong ang mga biyahe.
Base pa sa PITX, naghahanda na rin ito sa posibleng epekto ng kanselasyon ng mga biyahe ngayong linggo, bago ang inaasahang exodus sa gitna ng All Saints’ Day at All Souls’ Day weekend.
Lumabas si Kristine ng Philippine area of responsibility (PAR) nitong Biyernes at tuluyan nang naging bagyo. RNT/SA