PINURI ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang hakbang ng Department of Education (DepEd) na isama sa kurikulum ang aralin tungkol sa West Philippine Sea (WPS).
“Hindi mo maipagtatanggol ang isang bagay na hindi mo alam. Kapag itinuro natin sa mga bata ang tungkol sa West Philippine Sea (WPS), hindi lang heograpiya ang itinuturo natin kundi maging ang pagtuturo ng pagmamahal sa bayan,” ani Goitia.
Binanggit niya ang mga insidente ng agresibong kilos ng China sa Pag-asa (Thitu) Island at Second Thomas Shoal, kabilang ang paggamit ng water cannon at pananakit sa mga Pilipinong sundalo, na kinondena ng iba’t ibang bansa bilang paglabag sa soberanya ng Pilipinas. Para kay Goitia, mahalaga ang silid-aralan bilang linya ng depensa ng bansa laban sa maling impormasyon.







