MANILA, Philippines – Tiniyak ni Ako Bicol Party-list Raul Angelo Bongalon na ipaglalaban ng Kamara na mapanatili ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) sa 2025 national budget sa gitna ng mungkahi ng ilang senador na alisin ito.
Depensa ni Bongalon, ang AKAP ay para sa mga kumikita ng mas mababa sa P21,000 kada buwan.
“Ang AKAP ang sumaklolo sa mga pinaka-apektado ng krisis sa ekonomiya,” ani Bongalon.
Una nang inirekomenda ni Senate Finance Committee Chairman Imee Marcos na tanggalin ang AKAP sa 2025 budget ng DSWD at ilipat ang pondo sa iba pang programa gaya ng Sustainable Livelihood Program at Quick Response Fund.
Aniya, hindi kasama ang P39 bilyong AKAP sa orihinal na panukalang budget ng administrasyon.
Ngunit katwiran ni Bongalon karapat-dapat mabigyan ng tulong ang ating mga mamamayan na biktima ng kalamidad at pagtaas ng presyo ng bilihin.
“Ito ang isa sa mga agarang pamamaraan para maiahon sa kahirapan at direktang matulungan ang naghihirap nating kababayan,” giit ni Bongalon.
Sinabi ni Bongalon na sa nalalapit na bicam conference sa pagtalakay ng 2025 budget ay buo ang paninindigan ng Kamara na ipaglaban ang milyun-milyong pamilya para sa tuloy-tuloy na tulong ng AKAP sa mga manggagawang Pilipino. Gail Mendoza