MANILA, Philippines — Pinayuhan ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na iwasan ang pagpo-post ng kanilang mga plano sa bakasyon sa social media upang hindi mabigyan ng pagkakataon ang mga kriminal na targetin ang kanilang mga tahanan.
Ayon kay acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., nagiging palatandaan sa masasamang-loob ang pagbibida ng mga travel plans dahil nalalaman ng mga ito kung kailan walang tao sa bahay.
Dagdag niya, kahit ginagawa ng PNP ang lahat ng hakbang para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, mahalaga pa rin ang pakikiisa ng publiko upang maging epektibo ang mga programang pangseguridad ng pulisya.
Sinabi rin ni Nartatez na nakikipag-ugnayan ang PNP sa mga lokal na pamahalaan, lalo na sa mga barangay upang masugpo ang mga krimen.
Tiniyak ng PNP na mananatiling naka-alerto ang mga pulis sa buong bansa at paiigtingin ang anti-crime operations upang masigurong ligtas at mapayapa ang pagdiriwang ng Kapaskuhan at Bagong Taon.
Nauna nang inanunsiyo na higit 100,000 pulis ang ide-deploy sa buong bansa ngayong holiday season o mas mataas kumpara sa 60,000 na ipinadala noong nakaraang taon. RNT/JGC