Home NATIONWIDE Planong pagtaas ng lease rate sa NAIA pinasususpinde ng grupong Pinoy Aksyon

Planong pagtaas ng lease rate sa NAIA pinasususpinde ng grupong Pinoy Aksyon

MANILA, Philippines – Mariing tinutulan ng isang civil society group ang planong pagtaas ng lease rate sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), at nanawagan ito ng agarang suspensyon at masusing konsultasyon sa publiko.

Sa isang liham na ipinadala kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vivencio B. Dizon, hiniling ng Pinoy Aksyon for Governance and the Environment Inc. ang paghinto sa pagpapatupad ng umano’y labis-labis na pagtaas ng singil na isinulong ng New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC). Ang planong pagtaas ay nasa pagitan ng 300% hanggang 1000%, ayon sa grupo.

“Ang ganitong kalaking dagdag-singil ay tiyak na magpapahirap sa mga negosyanteng nasa loob ng paliparan, at sa huli’y ipapasa rin sa mga konsyumer—sa karaniwang Pilipino,” pahayag ni BenCyrus G. Ellorin, Pangulo ng Pinoy Aksyon.

“Ang 400% taas sa parking fee ay isang babala na hindi natin dapat hayaang tuluy-tuloy ang ganitong pasanin sa mga mamamayan.”

Iginiit ng grupo na ang dagdag-singil ay magdudulot ng domino effect, partikular sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs), lokal na biyahero, at industriya ng turismo.

Ayon sa kanila, tataas ang presyo ng mga produkto at serbisyo, at lalong bibigat ang gastusin ng publiko.

Kabilang sa kanilang mga panawagan sa DOTr ay ang agarang suspensyon sa implementasyon ng lease rate hikes; Masusing pagrepaso sa mga basehan ng pagtaas ng singil at malawakang konsultasyon sa publiko, kasama ang mga negosyante, consumer groups, at iba pang stakeholder.

Binanggit din ni Ellorin ang pangamba sa mabilis na pagkakaloob ng kontrata at ang pagtaas ng mga bayarin kahit wala pang konkretong pribadong puhunan.

“Maraming tanong ang kailangang sagutin. Dapat suriin kung talagang kapaki-pakinabang sa mamamayan ang kasunduang ito,” aniya.

Bagamat kinikilala ng grupo ang layunin ng pamahalaan na pahusayin ang serbisyo sa NAIA sa pamamagitan ng Public-Private Partnership (PPP), iginiit nilang dapat manatiling malinaw, makatarungan, at nakabatay sa kapakanan ng publiko ang bawat hakbang.

Umaasa ang Pinoy Aksyon na makakakuha ng agarang tugon mula kay Secretary Dizon, at na kikilos ang pamahalaan upang pigilan ang dagdag pasanin sa mamamayang Pilipino. RNT