MANILA, Philippines- Dalawang araw bago ang halalan, nagdeklara ang Philippine National Police (PNP) ng full alert status, sa pag-deploy ng mahigit 160,000 pulis sa buong bansa upang matiyak ang mapayapa at maayos na election process at pagkatapos nito.
Sinabi ni PNP Director for Police Community Relations Maj. Gen. Roderick Augustus Alba na ang PNP “is all hands on deck” at handang rumesponde sa anumang insidente bago, sa kasagsagan, at pagkatapos ng May 12 elections.
Ani Alba, bukod sa mahigit 160,000 pulis sa araw ng eleksyon, “a sizable number” ng reserve forces kada PNP headquarters ang nakaantabay sakaling kailanganin.
Bukod sa pagtitiyak sa kapayapaan at kaayusan sa polling areas, nakikiisa rin ang PNP-Anti Cybercrime Group sa pagpatrolya sa araw ng eleksyon upang bantayan ang posibleng spying activities.
Nasa 370 areas of concern ang natukoy, mas mababa sa naunang 800 naitala.
Hanggang noong May 8, nahuli ng PNP ang nasa 2,863 gun ban violators, 195 sa mga ito ang naaresto sa checkpoints. RNT/SA