Home NATIONWIDE PNP bubuo ng multi-agency team vs pulis na suma-sideline bilang security escort

PNP bubuo ng multi-agency team vs pulis na suma-sideline bilang security escort

MANILA, Philippines – Lilikha ng special team ang Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya ng pamahalaan upang tugisin ang mga pulis na suma-sideline bilang security escorts at ang paggamit ng mga hindi awtorisadong marked vehicles.

Ang naturang hakbang ay napag-usapan sa pagpupulong nina PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil at mga opisyal mula sa Department of Transportation (DOTr) at Metropolitan Manila Development Authority(MMDA), sianbi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo nitong Huwebes, Mayo 30.

“Our IMEG (Integrity Monitoring and Enforcement Group) pati HPG (Highway Patrol Group) would run after dito sa mga posibleng gumagamit ng mga marked vehicles na hindi naman talagang totoong pulis and of course, the IMEG, as what was discussed with the DOTr and MMDA, they might catch moonlighting police officers,” ani Fajardo sa press briefing sa Camp Crame.

Inisyal na pagaganahin ang naturang team sa Metro Manila.

“Hopefully by next week, we are just finalizing guidelines, maglalabas ng guidelines yung ating DO (Directorate for Pperations) sino-sino ang mga units involved particularly in the PNP definitely, the IMEG and HPG will be included in that team,” aniya.

Samantala, inaresto ng HPG ang dalawang tauhan ng MMDA na itinalaga bilang security escorts ng isang government official dahil sa hindi awtorisadong paggamit ng police markings.

Ayon kay HPG-NCR director Col. Neil Francia, ang dalawa ay naaresto sa operasyon target ang unauthorized escorts at illegal blinkers at sirens sa Parañaque City.

Batay sa report, nakitaan ng malinaw na “police” at “Master Rider’s Badge” markings ang widescreen at magkabilang panig ng saddle box ng mga motorsiklo ng dalawang tauhan.

“In-escortan nila, sabi nila ‘yung former MMDA chairman, Sen. Francis Tolentino. Authorized naman, we provide security to senators and also to LGU (local government unit) chief executives,” ani Francia.

Ang dalawang MMDA personnel ay nasa kustodiya na ng HPG-NCR at nahaharap sa kasong paglabag sa Article 177 (usurpation of authority) at Article 179 (use of uniform or insignia) ng Revised Penal Code habang ang kanilang mga motorsiklo ay pansamantalang naka-impound sa field unit. RNT/JGC