Home NATIONWIDE PNP chief nagbabala sa mga hepe ng mahuhuling parak na iligal na...

PNP chief nagbabala sa mga hepe ng mahuhuling parak na iligal na suma-sideline

MANILA, Philippines – TINIYAK ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil  na may masisibak na pinuno ng mga police officer na mahuhuling sangkot ang kanilang mga tauhan sa moonlighting activities at binigyang-diin ang pangangailangan para sa mas mahigpit na mga hakbang sa accounting ng mga tauhan.

“Ang guidance, ang binibigyan ay yung mga IMEG (Integrity Monitoring and Enforcement Group) may order na tayo sa IMEG natin to really conduct yung mga tinatawag na accounting, pati ang IAS (Internal Affairs Service)” sinabi ni Marbil sa mga mamamahayag sa Camp Crame.

Ayon kay Gen. Marbil nais din aniya niyang palakasin ang pagpapatupad ng command responsibility principle, na nangangahulugan na ang mga immediate commander ay mananagot kung kahit isa sa kanilang mga tauhan ay mahuling gumagawa ng ilegal na gawain.

“We are not forgiving sa mga ganitong bagay. Hindi namin ito papayagan at matagal na kaming naglalabas ng mga babala tungkol dito. Nais naming malaman kung sino ang immediate commander at kung paano gumagana ang sistema. Baka may lapse sa proseso ng accounting and we have to improve our accounting system,” dagdag pa ni Marbil.

Ginawa ng PNP chief ang pahayag makaraang mangyari nang ang isa pang pulis ay nahuling nagmo-moonlighting bilang isang motorcycle-riding security escort ng isang hindi kilalang “VIP (very important person)”, sa isang operasyon laban sa mga ilegal na blinker at sirena ng Highway Patrol Group (HPG) sa Parañaque City noong Lunes.

Arestado sina Staff Sgt. Rafael Boco, na nakatalaga sa motorcycle unit ng HPG – National Capital Region (NCR), at ang kanyang ka-cohort na si Florencio Rabuya Geñoso Jr., isang na-dismiss na miyembro ng Philippine Army.

Nauna rito sa unang bahagi ng buwang ito, dalawang commando ng Special Action Force – Cpl. George Mabuti at Patrol Officer Roger Valdez – ang dinakip dahil sa suntukan sa loob ng Ayala-Alabang Village sa Muntinlupa City.

Lumalabas sa karagdagang imbestigasyon na nagmo-moonlighting ang mga pulis bilang mga security escort ng isang Chinese national na naka-link sa isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

Kaugnay nito pinaalalahanan naman ng PNP chief ang mga pulis na bawal silang magkaroon ng ibang trabaho sa oras ng opisina.

Sinabi pa ni Marbil na maaaring humingi ng awtorisasyon ang mga abogado at doktor ng pulisya sa Kalihim ng Department of the Interior and Local Government para gamitin ang kanilang propesyon sa labas ng PNP. Santi Celario