MANILA, Philippines — Mahigpit na paggabay, bukas na komunikasyon at pagbabantay ng mga magulang sa online activities ng kanilang mga anak ang ilan sa mga hakbang na makatutulong upang maiwasang masangkot ang mga kabataan sa karahasan, ayon sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Department of Education (DepEd).
Sa Kapihan sa Manila Prince Hotel nitong Miyerkoles, sinabi ni PNP Anti-Cybercrime Group director PMGen. Wilson Asueta na mahalagang bantayan ng mga magulang ang pagbabago sa kilos at pag-uugali ng kanilang mga anak, gayundin ang kanilang paggamit ng social media, online games at iba pang digital platforms.







