MANILA, Philippines – Nakahanda ang Philippine National Police (PNP) na magbigay ng seguridad sa mga tauhang nagsasagawa ng inspeksyon sa umano’y maanomalyang flood control projects na nakatakdang gawin ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Sa security side lang kami. Wala kaming alam sa forensic infrastructure pero marami kasing threat sa mga tao, so kasama kami sa mga tumutulong,” saad ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.
Binigyang-diin din ni Remulla na ang presensya ng PNP ay “essential due to credible security threats surrounding the inspection activities.”
Noong Biyernes, sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na kailangan ng tulong mula sa pulisya at militar, dahil hindi kayang hawakan ng ahensya ang mga inspeksyon sa libu-libong proyekto.
“Libo-libo po talaga ang proyekto ng DPWH. At kung sa loob ng DPWH, hindi natin kakayanin yan kaya kailangan talaga unang-una humingi tayo ng tulong sa PNP, sa AFP,” saad ni Dizon.
Ayon pa kay Dizon, isang bagong team ng DPWH ang idineploy para mag-inspeksyon sa mahigit 100 napaulat na maanomalyang proyekto sa buong bansa.
Sa susunod na linggo, sinabi ni Dizon na makakasama niya si Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa mga inspeksyon ng mga kuwestiyonableng proyekto sa kanyang lungsod gayundin sa La Union. RNT/MND