Home NATIONWIDE PNP may bagong estratehiya para mahoyo si Bato – Remulla

PNP may bagong estratehiya para mahoyo si Bato – Remulla

1
0

MANILA, Philippines — Gumagamit na ang Philippine National Police (PNP) ng mga hindi karaniwang estratehiya upang matunton si fugitive Senator Ronald “Bato” Dela Rosa dahil pamilyar ang dating hepe ng pulisya sa mga karaniwang operasyon ng mga awtoridad, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla nitong Miyerkules.

Sinabi ni Remulla na patuloy na tinutugis ng PNP at iba pang ahensiya ng pamahalaan si Dela Rosa ngunit tumanggi siyang ihayag ang mga detalye ng operasyon.

“Ongoing ‘yan. Hindi ako puwedeng magsalita tungkol sa ginagawa namin, but we’re actively pursuing him,” ani Remulla.

Umalis si Dela Rosa sa Senado kasama si Senator Robinhood Padilla madaling araw noong Mayo 14 habang nakatakdang ipatupad ang arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court. Hindi na siya bumalik sa Senado o nagpakita sa publiko mula noon.

Ayon kay Remulla, kailangang baguhin ng mga awtoridad ang kanilang pamamaraan dahil kabisado ni Dela Rosa ang mga karaniwang operasyon ng pulisya. Ganito rin umano ang hamon sa pagtugis kay former Bureau of Corrections chief Gerald Bantag.

“They’re one step ahead dahil alam nila ‘yung usual, so we have to go asymmetric in capturing them. Hindi pwede ‘yung usual techniques. So, ngayon, nag-eemploy na kami ng other techniques and other strategies para makuha sila,” ani Remulla.

Kinuwestiyon din ng kalihim ang pagkaantala ng Interpol red notice laban kay former lawmaker Zaldy Co. Nobyembre 2025 pa naghain ng aplikasyon ang pamahalaan ngunit hindi pa rin ito naaaprubahan makalipas ang halos siyam na buwan.

“It’s the longest one. ‘Yung kay Atong Ang, within one month. ‘Yung lahat ng iba, kay Dumlao, within one month. Ito, nagtataka kami, bakit nine months, hindi pa rin binibigay ng Interpol? Ako na mismo magfo-follow up sa Interpol,” ani Remulla.

Hinihintay din ng mga awtoridad ang developments sa Interpol blue notice na maaaring makatulong upang matukoy ang kinaroroonan ni Co.

Sinabi ni Remulla na nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga international agency upang hanapin si businessman Atong Ang sakaling wala na ito sa Pilipinas.

“Mahirap sabihin ‘yung mga ganyan, but we are coordinating now with all agencies around the world to locate him. Kung wala siya rito, we’ll find him, but it just takes time,” dagdag niya.

Kaugnay naman kay former presidential spokesperson Harry Roque, sinabi ni Remulla na nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad ng Pilipinas sa kanilang counterparts sa Vienna, kung saan umano naroroon si Roque.

Nahaharap si Roque sa human trafficking case na nauugnay sa umano’y Philippine offshore gaming operator hub sa Bamban, Tarlac.

“Nasa Vienna siya. Mayroon na kaming communication. Hindi siya nagtatago, but any time pwede namin siya kunin,” ani Remulla.

“We’ll check again in issuing a red notice sa kanya. Once that’s issued, available na siya, kunin talaga,” dagdag niya, bagama’t maaaring maantala ang proseso dahil sa mga legal procedure sa Europe.

“The law will continue to take its course, and we will continue to pursue those who seek to evade justice,” ani Remulla. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here