MANILA, Philippines- Dalawa pang pulis ang nagpositibo sa confirmatory drug test, ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Colonel Jean Fajardo nitong Biyernes.
“Yes po, two non-commissioned officers po,” ani Fajardo nang tanungin kung mayroon pang mga pulis na nagpositibo sa confirmatory drug tests bukod sa sinibak kamakailan na si Mandaluyong Police chief, Police Colonel Cesar Gerente.
Isinagawa ang confirmatory drug tests nang magpositibo sa random drug tests ng National Capital Region Police Office (NCRPO) noong Agosto, ayon kay Fajardo.
Sinabi ng opisyal na parehong urine specimen mula sa random drug test ang ginamit sa confirmatory drug test.
“The urine specimen submitted by subject personnel during the random drug test was the same specimen subjected to confirmatory test, which yielded positive result also,” aniya.
Inihayag pa niya na naghihintay pa siya ng update mula sa NCRPO ukol sa designated areas o units ng dalawang pulis.
Nitong Miyerkules, sinabi ni Eastern Police District (EPD) chief Police Brigadier General Wilson Asueta na pinatalsik si Gerente sa pwesro matapos magpositibo sa iligal na droga.
Isinailalim si Gerente sa regional personnel holding and accounting section ng NCRPO regional personnel records management division habang hinihintay ang kanyang confirmatory test.
Isinuko na niya ang kanyang service firearms at inatasang magpaliwanag.
Samantala, itinalaga si Colonel Mary Grace Madayag bilang acting chief of police ng Mandaluyong City, kapalit ni Gerente. RNT/SA