MANILA, Philippines – Inatasan ng Philippine National Police (PNP) ang mga lokal na pulis na tumulong sa nationwide active shooter drills ng Department of Education (DepEd) kasunod ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin ng mga drill na turuan ang mga estudyante at school personnel kung paano kikilos sakaling magkaroon ng aktibong pamamaril sa loob ng paaralan at magtakda ng malinaw na emergency protocols.
Sinabi ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na makatutulong ang programa upang maging handa ang mga mag-aaral sa oras ng panganib at mapalakas ang kanilang tiwala sa mga awtoridad.
Dagdag pa niya, ipagpapatuloy ng PNP ang school patrols, suporta sa anti-bullying programs, at pakikipag-ugnayan sa mga paaralan para sa posibleng paglalagay ng mga pulis tuwing flag ceremony.
Samantala, inatasan din ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na magtatag ng Safer School Zones sa pamamagitan ng pagdeploy ng mga barangay tanod upang mapalakas ang seguridad sa loob at paligid ng mga paaralan. RNT/MDS